Friday, October 9, 2009

Ang Bakas ni Ondoy




Sa pagbabago bago ng panahon, muli nanamang nagkaranas ng matinding hagupit ang bansang Pilipinas at ito ay ang bagyong Ondoy.

Sa bagyong Ondoy, marami ang nasawi, nasaktan, nawalan ng ari-arian at nag-iwan rin ng maraming problema sa ating bansa tulad ng pagkawala ng tirahan, hanapbuhay, ay minamahal sa buhay. Bukod pa dito, marami pa ring mga probinsiya ang lubog sa tubig baha. Nagbigay ito sa akin ng matinding pangamba dahilan sa nararanasan nating mga kalamidad sa ating paligid bunga ng pagkasira at pagkawalang bahala sa ating Inang kalikasan. Sa pagdating ng mga panahon, maaari pang lumala ang ating mararanasan. Ito ay ating maiiwasan kung tayong mga tao ay alam ang ating bawat tungkulin na dapat gampanan. Pagtatanim at pagpapayabong ng mga puno at hindi pagputol at pagwasak sa mga ito ang solusyon o sagot upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari.

Maliban sa parteng norte ng Pilipinas, nakaranas din ng matinding pinsala ang ilang parte sa silangan. Pagkawala ng tirahan, pagkain, damit at hanap-buhay ang pangunahin dinaranas ng mga mahal nating kababayang nasalanta ng bagyong Ondoy. Marami ang mga napapabalitang kailangan ng mga donasyon mapatelebisyon man o radio, tulad ng pagkain, malinis na inumin, damit at iba pa. Kaya kami bilang studyante, nabigyan kami ng pakakataong tumulong sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyong Ondoy, sa simpleng pagbibigay ng konting bigas, noodles at mga delata na alam naming malaking bagay na din ito sa ating mga kababayan.

Sa katunayan may karanasan din ako sa bagyong ito. Kasagsagan ng bagyong Ondoy, karamihan sa aming tumutuloy sa dormitoryo ay nagsiuwian sa kanikanilang mga tahanan upang pansamantalang palipasin ang kalakasan ng bagyo samantalang ako ay naiwan kasama pa ang ilan pang ka-dormitoryo dahilan ng kawalan ng masasakyan o may kailangan pang gawin. Kami ay nabahala dahil napapansin na naming unti-unti ng tumataas ang tubig sa aming lugar kaya kami ay nagsiayos ng gamit at inilagay sa isang mataas na lugar na hindi maaabot ng baha. Hanggang sumapit na ang gabi, mataas na ang tubig tila mo ay isang malawak na swimming pool sa palibot ng aming tinutuluyan. Noong una ako ay natuwa dahil unang beses ko pa lang nakaranas ng bahain dahil ang aling lalawigan sa San Pablo ay hindi nakakaranas ng pagbaha ngunit nang bumababa na ang tubig, dito ko natanto na maraming bagay ang nasira, nasayang at nawala dahil sa bagyong ito, dito ako nalungkot ng lubusan.

Pagkatapos ng nangyaring kalamidad, alam kong makakabawi rin ang mga nasalanta ng bagyo dahil ang kailangan lang ay tiwala sa sarili na makakaya nila at sa Panginoon. Sa pamamagitan nito, makakaraos sila muli sa kanilang naranasang paghihirap. Suporta mula sa ating pamahalaan upang mabigyan muli ng mga hanapbuhay ang mga nasalanta. Makakatulong rin ang taimtim na pagdarasal upang mapagaan ang kanilang paghihirap.

Ako ay nagpapasalamat sa ating Panginoon sa kadahilanang kahit naabala ako sa bagyong Ondoy, walang ibang masamang nangyari nangyari sa akin, sa aming pamilya sa San Pablo, mga kaibigan at kamag-anak. Malaking bagay na ito para sa akin kahit masira pa ang mga kagamitan dahil maaari itong mapalitan ngunit ang buhay ng iyong mahal sa buhay ay kahit kailan ay di mapapalitan. Isang tunay na wagas na paggabay ang inihatid sa atin ng Panginoon sa lahat ng hindi nasalanta ng bagyong Ondoy.

No comments:

Post a Comment